High School: Part 2
Katulad ng trilogy ni Batman, mayroon akong bersyon ng ‘The Dark Knight Rises’, ‘yun nga lang, walang mga paniki o super villains, walang naka-steroids na kalbo at hi-tech na gadgets, meron lang malaking pagbabago at kakaunting maskarang naiwan. Kung hindi mo nakuha ang reference ko, pasensya, isipin mo nalang na pagkatapos mong dumaan sa madilim na tunnel ay mayroong mga bumbilyang naghihintay sa’yo sa labas, akala mo umaga na’t maliwanag, gabi parin pala.
Madilim at may pagka-emo ang tono ng unang parte ng high school life ko, sabi ko nga sa’yo, kung baga sa Batman, ‘yun ang ‘The Dark Knight’. Sa unang pagkakataon, hindi lang basta basta ang kalaban, naramdaman ko kung gaano katotoo ang mga resulta ng mga aksyon ko at kung gaano ko kinailangan magseryoso, pero ‘wag kang mag-alala, dahil kahit nabahiran na ng maturity ang mga kwento ko at hindi na ganon ka-inosente tulad ng Chapter 1, natutunan ko kung paano harapin ang mga susunod na kabanata ng buhay ko ng may konting pag-iingat.
Kung nakita mo ang music video ng Ikaw Lamang by Silent Sanctuary, ganon ko pinipicture ang high school life, na may mga bandang tumutugtog ‘twing recess at may mga magkakalove teams na nagdradrama sa paligid, may mga nagsusulatan ng love letters, secret admirers, bullies, jocks at kung anu ano pang OA na idea ng High School Musical ang ipinasok sa atin ng mga american films noong mga bata pa tayo, pero sa totoo lang, hindi ako magrereklamo kung biglang may kakanta sa classroom para magtapat ng nararamdaman at para na rin maiwasan ang quiz sa Geometry.
Guidance Office
Third year high school, nakalaya ako sa bakuran ng seminaryo, hindi ko ipagkakailang lumuwag ang loob ko at naging masaya dahil sa unang pagkakataon sa dalawang taon ay naramdaman kong bumabalik na ang lahat sa normal. Sinamahan ako ng tita kong mag enroll, at dahil para akong batang pinakawalan sa unang pagkakataon, wala akong alam sa mundo, lahat nagbago, lahat parang kakaiba. Pakiramdam ko ay nakahanap ako ng memory card sa lumang laro na hindi nagalaw ng ilang taon, tapos bigla ko ulit sinaksak sa playstation, alam ko kung pano maglaro pero naninibago ako sa lahat ng mechanics, may major update palang naganap habang wala ako.
Pasok ako sa office ng magiinterview, guidance councilor, iaassess kung papayag silang papasukin ako sa paaralan nila. Unang tinignan ang report card ko, tapos ako naman na parang natatawa siyang naiiyak.
“Anong napapansin mo dito?”
“Erm..”
“Tignan mo.”
“Okay po.”
“Mataas, bagsak, tumaas ulit … wala naaa.”
Grades ko ang tinutukoy niya, line of 9s sa unang quarter, bagsakan sa susunod, babawi ng line 8s sa 3rd tapos buagsakan parang bulalakaw ulit sa 4th. Magaling. Dito palang malalaman na kung anong klaseng studyante ako, nakadepende lahat sa mood ko, kung wala ako sa mood, walang papasok sa utak ko. Sabi ko nga, tamarin ako. Pinakuha ako ng entrance exam, formality, naging maayos ang lahat at ikinongratulate ako ng guidance councilor dahil pasok na raw ako sa season 5 ng Starstruck. Nakangiti akong umuwi at hindi ko malaman kung bakit.
First Day High
Alam mo ‘yung feeling na first day of school? excited kang makita lahat ng kaibigan mo, excited ka sa mga magiging mga classmates mo, excited ka kung anong ulam sa canteen, excited kang makipagkaibigan sa potensyal na makokopyahan, takot kang maging kaklase ‘yun nakasuntukan mo sa c.r. nung grade 4, takot kang maging kaklase ‘yung ex mo at higit sa lahat umaasa kang magiging kaklase mo na si crush. Wala ako nun. Back to school nga ako, pero sa ibang paaralan, marami akong kakilala, oo, pero alam mo ‘yung feeling na out of date ka? na sila naka iPhone 12 na tapos ikaw naka 4 S palang? o nakarambo sila, tapos ikaw naka beach walk lang? ganon ang naramdaman ko nang pumasok ako sa high school, sa totoong high school, sa unang pagkakataon.
Naging presidente ako ng klase, sa hindi maipaliwanag na kaisipan ay naisipan nilang ipagkatiwala ang buong section sa isang transferee na walang alam sa buhay labas. Sinikap kong itaguyod ang klase, sa tulong ng mga officers, syempre. Minsan binabalak kong panindigan ang pangalan kong Ferdinand at magtayo ng dictatorship pero dahil role na ‘yun ng advisor namin, pinigilan ko nalang ang sarili ko. Mainit ang ulo sa’kin ni Ma’am, at dahil hanggang ngayon ay takot parin ako sa kanya, hindi ko sasabihin ang pangalan niya, kasalanan ko, unang araw ng klase ay late ako sa orientation dahil nagcoffee shop ako’t nalibang sa wi-fi. Unang tour namin nung 3rd year ay nasigawan niya ako ng ‘CHRISTIAN!!’ dahil sa akala niyang sinasabayan ko siya sa pagpapaliwanag kung paano kami bababa sa bus, hindi siya mali at first name ko ‘yun, grabe diba? Ganon pa man, naiintindihan ko ang frustration na magpatakbo ng klase, tatlumpung utak ba naman na iba ibang ugali ang kailangan mong paglaanan ng panahon para mapuno mo ng mga leksyon at impormasyon na pagkatapos ng exams e tutulo rin sa mga tenga nilang parang mga luga, hindi ka mabaliw? Pero dahil puno na ako ng sermon sa bahay sa lola ko, hindi ko na rin siya masyadong iniintindi, para sa’kin pagpinagagalitan ako, tatahimik lang ako, pero ‘wag na ‘wag mo akong sisigawan dahil magwawalk out ako.
Kanya kanya ang grupo nung high school, iba ibang klase at iba ibang laki, lahat may pangalan, lahat may identity kung baga. Syempre may nabuo kami ng mga kaibigan ko, BOP, uso kasi ang Boys Over Flowers non at dahil sa marami akong free time mag isip, tinawag ko ang sarili namin bilang Boys Of Paggalang, section namin, close enough. Simula nang mabuo ang grupo namin, nainspire akong gumawa ng mga comics tungkol sa mga adventures namin kuno, sa dami ng illustration boards ko na nadrawingan noon, hindi ko alam kung bakit hindi ako inireklamo ng vandalism dahil ipinagdidikit ko sa pader lahat, pero syempre pag nag-sawa na akong tignan, tinatanggal ko rin. Nagdala ako ng gitara minsan, kinakabahan ako habang inilalabas ko ito sa case niya, baka kasi isipin na sobrang papansin ko at masyadong makapal ang mukha, pero nakatulong ang pagkakaroon ng interes ng mga kaklase ko at sila pa ang nagsabing, ‘sige nga, tumugtog ka?’ tumugtog ako, at kung pumiyok man ako noon, hindi ko na maalala pero natuwa ako nang marinig kong sumasabay na sila sa kinakanta ko, at simula noon ay palagi na akong may bitbit na gitara, nahawa rin siguro ‘yung iba dahil isang araw pagpasok ko ng room e akala mong guitar shop ‘yung bintana namin, andaming gitarang nagkalat, andaming pwedeng i-jamming session, nakakatuwa sa puso.
Naging presidente rin ako ng club, sa parehas na dahilan kung paano ako naging presidente ng klase, napagtripan ulit ako, nangyari ‘yan ng dalawang magkasunod na taon, ako ulit ang presidente nung club at class nung 4th year. Nagpabattle of the bands ako sa event ng club namin kahit na sobrang layo ng kuneksyon dahil History ang punto ng club namin. Bumuo kami ng banda pang intermission number, Alpha Dak Manok Ma Band, kung paano ‘yan nabuo ay pasalamat sa isang kaklase ko sa seminaryo, si JV, originally, fraternity dapat yan, at ang motto e: ‘Pag nakadakma ka ng manok, pasok ka na.’ Isinali ko ang pangalan na yan minsan sa play namin, at nang naghahanap kami ng pangalan para sa banda namin, may nagsabi sa’kin na bakit hindi nalang ‘yun, at doon nabuo ang Alpha Dak Manok Ma Band. Pang intermission lang sana, para lang kunwari may alam kami sa mga banda noon, pero naisipan narin naming sumali sa battle of the bands dahil hindi naman namin kilala ‘yung mga judges, champions kami, at nagsilbi itong ticket para tumugtog sa iba pang mga events from then on, kahit nung 4th year. Pero May nangyaring hindi dapat nangyari, pumanaw ang isa sa gitarista namin, memorable ‘yung huling tugtugan namin, sinong mag-aakala na ganon pala ang mangyayari diba? kaya nang tumugtog ulit kaming magkakabanda for the very last time, idinedicate namin sa kanya ‘yon.
Active akong studyante non, lahat ng kaya kong salihan sinalihan ko, poster-making-contests, videoke-contest, art contests, bunong braso, palakihan ng kulangot, pagandahan ng sulat, pabilisan ng pagtaas ng kamay at pagalingan mangtrashtalk sa dota. Minsan panalo, minsan talo, ‘yan ang high school para sa’yo, praktis para sa buhay na kasunod, akala ko noon para talaga siyang High School Musical, na madrama at puro cliches, pero nasurpresa ako kung gaano ako nasayahan at masasabi kong maswerte ako dahil na experience ko kung paano maging ganap na hayskul student. Marami pang kwento, pero dahil gusto kong tapusin ang trilogy na ito, ipagpapaliban ko na muna ‘yung mga ‘yon para magbigay ng space sa malaking parte ng part 2 ng high school life ko, love life.
Love Stories
Nagkaroon ako ng maikling relasyon pagpasok ko sa bagong paaralan, pero dahil sa kamalasan ng panahon at mga komplikadong sitwasyon, hindi kami nagtagal. Siguro sinasabi lang sakin ng mundo na hindi pa oras para magmahal ako ulit. Pagkatapos ng relasyon na ‘to ay iginugol ko ang sarili ko sa pagiging single, nasiyahan naman ako, ‘yun nga lang, kung lahat ng makikita mo sa campus e naglalampungan at naghaharutan, hindi ka ba maiinggit? Nakakalungkot ang mag-isa, lalo na sa hayskul, bawat lingon mo ay mayroong magpapaalala kung gaano ka minalas nang magpaulan ng potential love interests.
Isang araw, lumabas ako ng klasrum na sa mga panahon na ‘yon e nasa first floor. Tumingala ako sa katapat na klasrum sa second floor, may isang babaeng nakadukdok at nakatingin kung saan, kilala ko ‘yung mukha niya at alam kong kilala ko siya, si Nicha. Pinipilit kong hindi magenglish, dahil kung ipapaliwanag ko sa’yo kung ano ang tingin ko sa kanya non ay kailangan kong mag ingles, para magkaroon ng hustisya at hindi ka makornihan masyado, kaya pagbigyan mo ako kahit ngayon lang:
‘She’s tall and beautiful and fair-skinned, you would know what she’s feeling just by looking at her big and expressive eyes, I wasn’t sure if I liked her hair, I never liked girls with short hair like hers but there’s something about her that made me love it. It must have been the light or the complexion of her skin that made her shine so brightly on that one particularly gloomy day, or was it her beautiful pouting pale red lips?’
Bago ako maging Boy Bawang sa sobrang kakornihan ko, gusto kong malaman mo na hindi lang siya ‘yung babae sa buhay ko nang mga panahon na ‘yon, mayroong ding Rizielle at Angelica. Siguro may naiwan paring residual na kagaguhan sa loob ng pagkatao ko at hindi ko ipagkakailang pareparehas ko silang kinakausap, ‘yun nga lang, siya lang ‘yung babaeng may lakas ng loob para baguhin ako, pati narin ang pagtingin ko sa mga babae, ipinaliwanag ko sa kanya ‘to nang tumagal tagal, at kung nagselos man siya ay masasabi kong ilang gyera ang naganap para maresolba namin ito, at in my defense, sinabi rin niya sa’kin na hindi naman niya raw talaga ako seseryosohin dapat, so kwits lang kami, lamang lang ako ng konti. Nag-iwan ako ng message sa facebook ng kaklase niya, sabi ko: ‘Say Hi to Nicha for me.’ Pagkatapos non e nagkaroon na ako ng lakas ng loob para kuhanin ang number niya para lang mafriendzone ng mga ilang buwan, (note: hindi pa uso ang friendzone non, pero na friendzone ako, definitely) hanggang sa ipinagtapat ko na may nararamdaman ako sa kanya, hindi siya makapaniwala nung una at alam kong nagaalangan siya dahil ang liit liit ko at ang tangkad niya, unang tingin palang hindi na kami bagay, di hamak na ang daming nanliligaw sa kanyang mas gwapo o mas may tsansa pero dahil sa malakas ang loob ko, sinabi ko na rin. Huminto kaming mag usap ng ilan pang buwan, dahil gusto raw niya na M.U. nalang muna kami pero iba ang gusto ko, kaya akala ko noon wala nang pag-asa, pero isang araw bigla nalang may tumawag sa’kin, pinapatawag raw niya ako sa garden ng school, naalala ko pa noon kung saan siya nakaupo at kung ano ang suot niya, P.E. uniform, yakap niya ang mga binti niyang napagkahaba at halatang may iniisip siyang malalim, ready na raw siyang bigyan ng pagkakataon kami, ngumiti ako at napatango nalang.
Minsan may makikilala tayong taong magbabago sa’tin ng lubos, at si Nicha ‘yun para sa’kin, binago niya ang tingin ko sa relasyon at sa halaga ng babae, kaya kung ano ako ngayon, pasalamat sa kanya, pero hindi lahat ng istorya nagtatapos sa Happily Ever After. Sa ngayon, natapos ko ang trilogy ng kabataan ko at masasabi kong natutuwa akong maibahagi ko sa’yo ang kakaunting kurot nito, at dahil ang kwento namin ni Nicha ay hindi lang sa high school nagtatapos, asahan mong pipilitin ko itong tapusin sa ibang panahon.
Maraming Salamat sa pagsama sa’kin sa mala time-machine kong pagbisita sa mga araw na parang kahapon lang nangyari, at kung hindi man ito kasing perpekto ng mga awtor na nakasanayan mo at hindi kasing astig ni Doctor Who, sana ay mapagpasensyahan. Umaasa akong nandun ka ulit sa mga susunod pang mga kwento, Chapter 3 palang tayo, gusto ko lang kasi talagang tapusin na parang trilogy dahil sa kaartihan ko, pero malay mo diba? magkaroon pa ng mga kasunod na sequels, gaya ng Star Wars. O siya, sana’y mayroon kang napulot kahit kaunti sa mga kwento ko at subaybayan ang mga susunod pa, sa uulitin!