Singing/Writing Songs
Kapag hindi ako nakatalungko sa isang sketchpad o nagmumuryot sa isang sulok ng kwarto ko o nanghuhuli ng mga ligaw na lamok, sinusubukan kong gumawa ng kanta. May mga emosyon na hindi ko kayang ipakita, teka, para mas maintindihan mo, may mga emosyon na hindi nakukuha sa mata lang, minsan kailangan ‘tong marinigm, madama habang nakapikit.
Marami rami narin akong naisulat na kanta, ‘yung iba tag iisang verse at chorus lang, ‘yung iba naman parang gusto mo nang bunutin ang tenga mo dahil sa sobrang haba. Kailangan mong maintindihan na hindi ako nagsusulat para balang araw e madiskubre at maging ‘musician’, at kahit na sumagi sa isip ko minsan na gusto ko ngang maging isang ‘rockstar’, hindi lang talaga aabot sa ganon ang kalidad ng tunog ko at matagal ko nang tinanggap sa sarili ko na ang pangarap na ‘yun ay masyado nang malayo. Ang dahilan ng pagsulat ko, ‘yung unang unang dahilan, e para mahulog sa’kin si Angela, kung nabasa mo ang blog ko tungkol sa kanya, kilala mo na siya, kung hindi naman, isipin mo nalang na siya ‘yung babae sa halos lahat ng kantang ginawa ko, in short, ‘the one who got away’? siguro.
Habang tumagal, dumaan ang maraming problema sa relasyon namin, at nagsilbing ‘record’ ang mga kanta ko sa kwento ng love life namin, sa bawat malaking bagay na pinag-awayan o sa bawat pagbuhos ng pagmamahalan, ginawa kong diary ng relasyon namin ang pagsulat ko ng kanta, bawat kanta may istorya sa likod at bawat kanta may memoryang nakatali. Kaya naman nang naghiwalay kami, nagpatuloy akong magsulat tungkol sa kanya, dahil nakakatulong ang pagsulat ko na iipit sa bawat nota ang sakit na nararamdaman ko, ‘yun nga lang, sa ‘twing babalikan ko at kakantahin ang mga kantang ‘to, hindi maiiwasang bumalik lahat ‘yung sakit, pero habang lumipas ang mga panahon, naging mga memorya nalang sila, hindi na masayadong kumikirot, nostalgic nalang kung baga.
Medley
‘Yung medley sa taas ang mga unang kantang isinulat ko, tatlong importanteng okasyon na humubog sa pagmamahalang tumagal ng tatlong taon, hindi perpektong relasyon, malaking parte ay magkahiwalay, pero relasyong hanggang ngayon ay may mga bakas kung sino ako ngayon.
Small and Tall
Sinulat ko ‘to nang sinagot niya ako, isang kanta palang ang naisusulat ko noon at Lullaby lang, kaya naman baguhan pa lang sa pag assemble ng mga chords at nota, pero dahil sa kagustuhan kong ipakita sa kanya kung gaan ko siya kamahal, sinubukan ko. Gamit ang laptop kong may built in na mic, ni record ko ‘to at ipinarinig sa kanya. Naalala ko na pagkatapos ng klase at magkikita kami, automatic na kukunin niya sa bulsa ko ang phone ko at papakinggan ang kantang ginawa para sa kanya. Matangkad si Angela, kaya hindi ganon ka normal ‘yung relasyon namin, ako nga mismo hindi ko alam kung paano siya nainlove sa’kin, maliit lang kasi ako at hindi ganon kagwapuhan kung ikukumpara sa mga nanliligaw at naging boyfriend niya. Sinulat ko ‘tong kantang ‘to para ipakita sa kanya na kahit hindi ako kasing gara ng mga nauna sa’kin, may ibubuga parin ako kahit papano.
Hindi nagtagal nalaman ng mga kaklase ko na may kanta akong ginawa, at naging pamilyar sila sa mga kanta ko, minsan may maririnig ako na kumakanta nito at natutuwa ako dahil may nagkagusto sa noo’y kantang ginawa ko lang para sa’min.
IDWTLY (I Dont Wanna Lose You)
Tatlong buwan sa relasyon namin, may ginawa akong katarantaduhan na nagpa-cool off sa’min, akala ko noon e tapos na kami, kaya naman sa sobrang lungkot ko, kinuha ko ‘yung gitara ko para mailabas ang emosyong namumuo sa loob. Kung nagsusulat ka ring katulad ko, o kahit na siguro sa anong bagay na ginagawa mo sa ‘creative’ time mo, alam mo ‘yung luwag ng paghinga mo sa mga unang guhit o tonong ilalabas ng utak mo, at ‘yoon ang naramdaman ko habang sinusulat ko ang kanta ‘to. Sa pag-strum ko ng gitara at pagbigkas ng mga unang kataga, lumawag ang loob ko at nagpatuloy na isulat. Gusto kong magsorry sa mga ginawa ko at gusto kong sabihin sa kanya na ayaw ko siyang mawala sa buhay ko, na kahit na sa kabugukan ko e alam kong siya ‘yung gusto ko.
Tumawag siya kinabukasan, gusto niyang makipagkita at pag-usapan ang mga bagay bagay, nagkabalikan kami at bumalik sa normal ang lahat. Naging malaking parte ang kantang ‘to, dahil kung hindi ko ‘yun ginawa, siguro e hindi niya nakita na seryoso ako at hindi na niya maiisipang bumalik, hindi niya mababago sa isip niya na katulad lang talaga ako ng ibang lalake. Sa mga dumaang away at conflicts namin, kinakanta ko sa kanya palagi ‘tong kantang ‘to, senyales na nagsosorry na ako at ayaw ko nang makipag-away, at everytime, effective.
‘Til Eternity Stops
Nagbakasyon, at dahil hindi ganon magkalapit ang mga baranggay namin, sa IM lang kami pwedeng makapag-usap at text, hindi kami madalas magkita at kung gaano nakakabaliw noon ‘yon ay hindi ko na rin maintindihan ngayon na nakatagal kami ng dalawang taon na mga bansa ang pagitan namin. Kaya naman isang madaling araw, sinulat ko ang kantang ito para ipagtapat kung gaano ko siya kamahal, na ang nararamdaman ko noon e pang ‘forever’, korni ba? Gusto kong hilingin na hindi totoo ang sinabi ko na ‘yan, na sana nga, wala talagang ‘forever’, pero hanggang ngayon, kapag hinalungkat mo at hinanap sa puso ko ang mga salitang ‘yan, e sigurado akong nandun parin siya. Sabi ko nga: You’ll find yourself inside my heart, locked there forever ’til eternity stops. Hanggang ngayon, sa ilalim ng mga nakatabon na gulo sa puso ko, nasa loob parin ‘yan ng puso ko at hangga’t walang dumarating para burahin ng tuluyan ang kantang ‘yan at hukayin lahat ng mga bagay at lagyan ng panibagong laman, mananatili itong nakabaon, ’til eternity stops nga raw, diba?
Sa paglipas pa ng mga panahon, ang dami kong naisulat, at lahat natatandaan ko, bawat chords at lyrics at bawat emosyon, nagsisilbing time travelling machine para sa’kin ito, na sa ‘twing tutunog ang mga notang isinulat ko noong pang unang panahon, mauupo ako sa upuang inupuan ko noon, makikita ang mga dingding, maririnig ang ingay ng tilaok ng manok at mararamdaman ang tuwa, lungkot at pagmamahal sa puso ko, kahit sa ilang minuto lang na itatagal ng kanta ko.
May mga taong nagsusulat ng diary o nag blo-blog o nag-uukit ng pangalan sa mga puno, ang pagsulat ng kanta ang isa sa paraan ko para maalala at maramdaman ang nakaraan, para sa’kin, basta may soundtrack, susunod na ang mga pictures at mga alaala, minsan naman, baliktad, at doon pumapasok ang pagguhit.