Dear Crush,
Hindi ko alam kung dala ito ng kapapanuod ko ng korean drama o sadyang madrama lang talaga ako pero sana, sa bawat salitang isusulat ko, unawain mong maikli lang ang oras at may mga bagay na kahit totoo, hindi dapat sabihin o malaman dahil may mas mga importanteng bagay na kailangang ingatan.
Madalas nating naririnig sa mga magulang natin o sa mga matatanda o sa mga lasinggero sa kanto at lalung-lalo na sa mga masusungit nating teacher sa eskwela na: maikli lang ang buhay, kaya sulitin mo ang bawat sandali. In short, minsan lang tayo bata, at kung ano mang mali o kapalpakan ang gawin natin sa mga panahon ito, pag tumanda tayo, e magiging alaala nalang at tayo na ang bahalang magsort out kung masasayang memorya ba ang mga ito o hindi. Narealise ko ‘to habang nakatulala ako sa kompyuter screen, naisip ko kung bakit nakatanga lang ako at walang ginagawa. Naisip ko tuloy kung ano kaya ang napala ko kung naging mas productive ako sa mga oras na nasayang, naisip ko kung kagaya nang mga pinagsisisihan kong oras e maisip ko rin at pagsisihan, dalawampung taon mula ngayon, na sabihin sa’yo itong nararamdaman ko para sa’yo. Ayokong mangyari ‘yon, kaya hayaan mong ikwento ko sa’yo ang lahat, hayaan mong ikwento ko sa’yo kung ano ka sa mga mata ko ngayon, sa sandaling ito.
Minsan lang tayo magkita, kaya hindi ko inakalang magkakaganito ako sa’yo. Tropa tropa nga lang e diba? kaya ayon, chill chill lang. Isang araw nagulat ako, hinahanap hanap kita. Siguro nasanay lang ako na naririnig ko ‘yung tawa mo, aishh, dont get me started sa tawa mo. Alam mo ‘yung pagtumawa ka e nawawala ‘yung mga mata mo? ‘yung tawang kasarap sabayan kasi tuwang tuwa ka? hinahanap hanap ko ‘yan, bigla bigla. Hindi ko pinansin, sabi ko nga, baka nasanay lang ako. Lumipas ang ilang araw, sa hindi ko malamang dahilan e nanunuod ako ng Pangako Sa’yo, ‘yung teleserye sa ABS-CBN. Nakita ko si Yna, pero hindi si Kathryn ‘yung sumagi sa isip ko kung hindi ikaw, nakakatuwa hano? o nakakabwisit, depende siguro kung sino ang tatanungin. Lahat ng papasok sa kwarto sasabihin ko ikaw ‘yun, at kahit hindi nila makita kung saang anggulo, oo nalang sila kasi mapilit ako. (Pero pramis, kamukha mo talaga siya … o nababaliw lang ako.) Alam mo kung gaano ko pinanggigigilan ‘yung braso mo, kaya naman pinipilit kong pigilan ang sarili ko kapag nakikita ko ‘yan. Naipaliwanag ko na sa’yo kung bakit, kaya sana’y maunawaan mo. Siguro ngayon masyado ka nang kinikilabutan pero anong magagawa ko? I can’t help it if I’m starting to like you. Sa dalawang dekada ko sa mundong ‘to, hindi pa nangyari ‘yung ganitong kahit ako gulat kasi may crush akong hindi ko inaakala. Ganito pala ‘yung feeling nung expression na: napana ni kupido. Na bigla-biglang may isang babaeng walang kapantay, may isang babae na lagi mong hinahanap hanap, may isang taong gusto mong makasama at makita palagi. At kahit super one-sided lang ‘to, masaya ako pag magkausap tayo, kung mayroon pang ieextend ‘yung tenga ko para lang magkaroon ng space ‘yung ngiti ko sa ‘twing magmemessage ka, kahit hindi tungkol sa akin ang topic, magpapa-opera ako kay Dra. Vicky Belo para lang makangiti lalo. Mahirap, pero ako lang naman ang mahihirapan, wala namang mapeperwisyo kasi crush kita diba? Kaya okay lang, masaya naman ako.
Masaya ako kapag naiisip kita at kahit na alam kong masyadong suntok sa buwan, hayaan mo sanang magtago ako sa likod ng sulat na ‘to. Hindi ako umaasang magugustuhan mo rin ako, at kahit gaano kacliche ang expression na ‘yan, maniwala ka sanang totoo. Ayoko rin naman kasing masira ‘yung pagkakaibigan natin dahil lang sa nagkagusto ako sa’yo nang biglaan. Pero sana, kung sa tingin mong may pag-asa ako, bigyan mo naman ako ng kahit simpleng clue para kahit hindi man natin mabigyan ng try, 20 years from now, makakangiti ako’t maalala ko na nagsulat akong napakakorning love letter para sa isang babaeng hinahangaan ko.
Isang humahangang torpe,
Fer